top of page

MADITTZ, ang unang Pinay Painter ng Bologna

MADITTZ, ang Unang Pinay Painter ng Bologna

Ni: Sierra M. Dela Rosa

Sa isang OFW o overseas Filipino worker, ano ba ang pinakamahahalagang hangarin nito sa buhay? Di ba ang muling makabalik na sa Pilipinas , makapiling ang naiwang pamilya at makapagsimula pa rin ng panibagong buhay sa bansang sinilangan? Iyan din ang hangarin ni Mercedita Centeno-De Jesus, 52 taong gulang, isang taal na Bulakenya mula sa bayan ng Malolos, na halos labindalawang taon nang naninirahan at nagtatrabaho, katuwang ang kanyang asawa, sa Bologna, Italya.

Nagtapos siya noon ng Arkitektura , ngunit dahil sa hilig niya sa paggawa ng mga kakaibang dekorasyon at disenyo , nagtayo siya ng negosyo, ang ALEXA Design, Arts and Crafts at sinundan ng isa pang negosyo, ang Gyndee’s Craftshop sa Bulakan . Sumali rin siya sa mga trade fairs at nag-supply sa ilang mga establisimyento at mga negosyante ng handicrafts.

Taong 2004 nang maaprubahan ang petisyon ng kanyang asawang si Gene De Jesus, na siya ay makapunta na rin sa Italya. Naiwan sa Pilipinas ang dalawa nilang anak na si Hydee at Hadji at nagpatuloy ng kanilang pag-aaral. Si Hydee ay nakapagtapos ng Bachelor’s Degree in Mass Communication sa Bulacan State University at ngayon ay isa nang ganap na guro sa unibersidad ding iyon at si Hadji naman ay nagtapos na Cum Laude sa kursong Bachelor of Arts in Communication sa University of the Philippines sa Baguio ng taong kasalukuyan.

Masasabing nagbunga na ang kanilang sakripisyong mag-asawa ,ang mapagtapos ng pag-aaral ang mga anak at patuloy pang makatulong sa mga magulang. At marahil ay nasa sitwasyon na sila na maasikaso naman ang mga naudlot nilang pangarap na nais pang bigyang-katuparan.

At dito na nga pumasok ang pangarap ni Mercedita na ipagpatuloy ang hangarin sa buhay, ang maging isang ganap na pintor. Taong 2012 nang magsimula siyang mag-isang mag-aral magpinta, bagama’t may karanasan na sa pagguhit, nagsikap siyang unti-unting matuto sa pamamagitan ng panonood sa you tube, pagtungo sa mga galeriya at museo upang magmasid, um-attend sa mga workshop at magtanong sa mga may karanasan na sa pagpipinta.

Sa kanilang organisasyon na ALAB o Alyansa ng Lahing Bulakenyo, taong 2014, nang maglunsad siya ng Art Workshop para sa mga kabataan, sa tulong ng isang Pinoy na pintor na taga-Florence, si Dandy Robosa. Nagturo din siya ng Arts and Crafts, sa imbitasyon ni Adelle Ignacio, para sa mga bata na miyembro ng kanilang Christian Group sa Bologna. Nagpamalas din siya ng kakaibang panoorin sa mga programa ng Filipino Community sa Modena at ng Federation of Filipino Associations o FEDFAB , ang kanilang ALAB Arts and Music kung saan ay nagpipinta siya sa saliw ng biyuling tinutugtog ng kaibigang si Merlie Lumague , at magkaminsan ay kasama ang mga kabataang nagpipinta rin. Pinangunahan din niya ang Filipino Women’s League at nagkaroon ng series of art workshops para sa mga miyembro nito na interesadong matuto sa pagguhit at pagpinta.

Sa pakikipanayam sa kanya, nabanggit niya na di pa rin kumpleto ang pagiging artist niya kung hindi siya magkakaroon ng pagkakataon na makapaglunsad ng isang one-woman show para maipakita nang lubos sa madla ang kanyang mga obra, gamit ang pagkakakilanlang pangalan, ang MADITTZ.

Kaya unti-unti, pinagsisikapan niya na maabot ang pangarap na iyon. Nakasama siya sa mga programa ng Centro Interculturale Zonarelli sa Bologna, sa mga okasyon ng Araw ng Kababaihan Marso 2014 at International Day Against Violence Nobyembre 2014, at nag-eksibit ng ilan niyang mga pinta. Sumunod ay sa Inzago, Milan, sa imbitasyon ng pangulo ng I Colori del Mondo-ADDA, na si Anabel Mayo , para sa partisipasyon sa 2015 International Christmas and Culture. Buwan naman ng Enero 2016, naging miyembro siya ng Associazione Momenti D’Artista, isang grupo ng mga italyano at iba pang dayuhang pintor, at nagkaroon sila ng eksibit mula Enero 23 hanggang Pebrero 6, 2016 at napaloob na rin ito sa pagdiriwang ng ARTE FIERA sa Bologna. Sa aktibidad naman na ONE BILLION Rising noong Pebrero 14, 2016, sa imbitasyon ni Rachelle Hangsleben at ng Casa Delle Donne, nagkaroon din siya ng eksibit ukol sa Feminismo bilang pagbibigay-suporta sa mga kababaihang biktima ng karahasan. Sinundan naman ng maliit na eksibit sa Bologna pa rin, noong ika-21 ng Pebrero nang magkaroon ng Dialogue with the Philippine Ambassador ang OFW Watch Italy sa pamumuno ni Rhoderick Ople.

Sa hangarin ni Mercedita na mapaunlad pa ang kakayahan, nagsimula siyang mag-aral muli ng pagguhit at pagpinta sa ilalim ng IMAGO BLU, isang grupo ng mga Italian artists na kinabibilangan ng kanyang mentor, si Erica Calardo.

Nakadagdag ang pag-aaral na ito upang magkalakas siya ng loob na pasukin nang tuluyan ang daigdig ng pagpipinta at makisalamuha sa iba pang pintor at makasali pa sa mga eksibit sa Bologna, na dati’y mga Italyano lamang at ibang dayuhan ang namamarali.

Sa Arte Sotto I Portici, o Art in the Arcades, noong ika-17 at 18 ng Setyembre, isa siya sa mga dayuhang nakasali at unang pagkakataon na ang isang Pilipino ay magkaroon ng partisipasyon. Ito ay isang taunang aktibidad sa siyudad kung saan ang mga obra ay naka-eksibit sa labas sa kahabaan ng mga portico. Ang pangunahing hangarin nito ay ang maikampanya na makasama ang Bologna Arcades sa United Nations Heritage, ikalawa ay maipalaganap ang Arte sa madla at ang panghuli ay maipakilala ang mga tanyag at mga nagsisimula pa lamang na mga pintor.

Sinundan ito ng Muri DiVersi, sa pangunguna ni Signor Roberto Morgantini, ang pagpipinta sa Ponte di Stalingrado ng Bologna, ang tulay na pinapangit na ng bandalismo, at ngayon ay nagbagong-bihis na sa pamamagitan ng pagpipinta ng mga kilalang pintor, street artists at ng iba pang boluntaryong Italyano at mga dayuhan. Kasama niya sa pagpipinta noong ika-1 at 8 ng Oktubre, 2016, ang Filipino Women’s League, Arte Creativa dalle Filippine at ang Liwanag Donne Filippine. Dito ay ipinakita nila ang pagkakakilanlang kultura ng mga Pilipino sa pamamagitan ng kanilang mga guhit at pinta.

Malayo pa ang lalakbayin ni Mercedita sa larangan ng pagpipinta, nasimulan na niya ang mga unang hakbang upang maipakilala sa siyudad ng Bologna na may isang Pilipinang pintor na laang magbahagi ng kanyang talento. At mahalaga rin na makapagbigay ng inspirasyon sa mga kapwa-Pilipino na hindi lamang ang pamamasukan bilang isang overseas worker ang kaya nating gampanan kundi kaya din nating ipakita ang ating iba pang kakayahan.

Dumating man ang araw na siya’y magbabalik na at mamamalagi na sa sariling bayan, may baon na siyang magandang alaala mula sa Italya at masasabi na rin niyang may iba pang ibinunga ang sakripisyo para sa kanilang pamilya, dahil sa bawa’t pagsisikap niya na maibahagi ang talento sa pagguhit at pagpipinta, kasabay rin niyang iwinawagayway ang bandila na simbolo ng ating bansa.

Filippine-Bologna News

GYNDEE Photos

bottom of page